
Ginanap ang unang deliberasyon ng panukalang batas tungkol sa pagtatalaga sa Pamantasang Normal ng Pilipinas bilang Pambansang Pamantasan sa Edukasyong Pangguro (National University for Teacher Education) sa ikalabintatlong regular na pagpupulong ng Committee on Higher and Technical Education (CHTE) ng Mababang Kapulungan na ginanap ngayong ika-4 ng Agosto 2026 sa Batasang Pambansa, Lungsod Quezon.
Naging unang paksa sa nasabing pagdinig ang NUTE Bill. Tumayo bilang isa sa mga taong sanggunian sa nasabing pagpupulong ang Pangulo ng Pamantasang Normal ng Pilipinas, Dr. Bert J. Tuga. Sa kaniyang paunang pahayag, inilahad ni Dr. Tuga na sa pamamagitan ng pagtatalaga sa PNU bilang NUTE, mapalalakas ang kakayahan ng pamantasang mamuno sa pagsusulong ng mga reporma sa sektor ng edukasyon, lalo na sa larangan ng edukasyong pangguro. Inaasahan na ito ay magbubukas ng mas maraming oportunidad upang maabot at masakop sa pagsasanay ang mga nagnanais maging guro lalo na mula sa malalayong lugar sa bansa. Sa ilalim ng panukala, pangungunahan din ng PNU ang mahahalagang pananaliksik at inobasyon sa edukasyong pangguro at panghabambuhay na pagkatuto habang nagbibigay ng mahalagang input sa pagpapanukala ng mga batas na may kaugnayan sa pagpapaunlad ng edukasyon sa bansa. Naglalayon din ang NUTE Bill na mailagay ang PNU sa posisyon kung saan makapagbibigay ito ng mga ekspertong tugon sa mga pangangailangan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno at magsisilbi ring sentro ng pakikipag-ugnayan sa pagitan ng mga institusyon sa edukasyong pangguro mula sa ASEAN at Rehiyong Asya-Pasipiko.
Ibinahagi rin ni Dr. Tuga na sa kasalukuyan ay nakakalap na ng suporta ang panukalang batas mula sa iba’t ibang mga institusyon ng lalong mataas na edukasyon sa loob at labas ng bansa. Labindalawang lokal na institusyon, tulad ng Cebu Normal University, Leyte Normal University, Pangasinan State University, Polytechnic University of the Philippines, at ang De La Salle-College of Saint Benilde, ang nagpakita ng marubdob na pagsuporta sa PNU at sa layunin nitong maging NUTE, samantalang nakakuha naman ng suporta ang pamantasan mula sa mga teacher-education institution sa ASEAN, partikular na mula sa Myanmar, Cambodia, Malaysia, Thailand, Vietnam, at Indonesia.
Bukod kay Dr. Tuga, tumayo rin bilang sanggunian sa talakayan ang Executive Director V ng Teacher Education Council (TEC) na si Dr. Jennie V. Jocson. Sa kaniyang pagtalakay, inilahad ni Dr. Jocson na sa kabila ng buong-pusong suporta ng konseho sa pagpasa ng NUTE Bill, nais niyang pagtuunan ng pansin ang ilang mahahalagang rekomendasyon tulad ng harmonisasyon ng mga itinakdang gampanin ng PNU bilang NUTE at ng TEC, at ang pagpapalakas ng “hubness” o partikular na gampanin ng mga kampus ng PNU sa Isabela, Quezon, Negros Occidental, at Agusan del Sur. Isa pa sa mga natatanging rekomendasyon ng TEC ay ang pagkakaroon ng PNU ng mas aktibong gampanin sa pagresolba sa krisis sa edukasyon lalo na sa aspeto ng edukasyong pangguro sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Kasama rin sa nasabing pulong ang Tagapangulo ng Komisyon sa Lalong Mataas na Edukasyon (CHED), Dr. Shirley C. Agrupis. Kinilala ni Dr. Agrupis, na siya ring tumatayo bilang Tagapangulo ng Lupon ng mga Rehente ng PNU, ang reputasyon ng pamantasan bilang nangungunang institusyon sa edukasyong pangguro. Tulad ni Dr. Jocson, nag-iwan din ng mga rekomendasyon si Dr. Agrupis na naglalayong mapabuti pa ang mga nilalaman ng panukalang batas. Hinikayat ni Dr. Agrupis na muling suriin ang ilang probisyon sa panukalang batas upang maiwasan ang pagkakapareho o pag-o-overlap ng gawain ng PNU bilang NUTE at ng ilang regulatory agencies ng gobyerno tulad ng CHED, Professional Regulation Commission, at Civil Service Commission. Isa pang rekomendasyon mula sa Tagapangulo ng CHED ay ang paglalatag ng mas pinayabong na pakikipag-ugnayan ng PNU sa mga miyembro ng Network of Normal Schools bilang ambag sa mga gawaing reporma sa larangan ng edukasyong pangguro.
Bukod sa mga opisyal ng mahahalagang ahensya ng gobyerno, nakasama rin sa talakayan ang mga kinatawan ng mga mag-aaral ng PNU. Ito ay pinangunahan ng kasalukuyang rehente ng mga mag-aaral ng PNU, Arnold D. Monticalvo, kasama ang ilang mag-aaral mula sa PNU Maynila na pinamumunuan ng Tagapangulo ng University Student Council, Angel Jhenine B. Sioson. Inilahad ng mga mag-aaral, sa pamamagitan ng talumpati ni Chairperson Sioson, ang kanilang mariing pagtutol sa pagpasa ng batas dahil sa kakulangan nitong matugunan ang mga itinuturing nilang batayan at tunay na pangangailangan ng pamantasan. Ang mga isyu tungkol sa kakulangan ng representasyon ng mga mag-aaral sa lupon ng mga rehente, pagkakaroon ng mas pinalakas na presensya ng pribadong sektor sa pinakamataas na pamunuan, mga probisyon sa national intake mechanism, at ang privatization at commercialization ng PNU kung saan iginigiit nila na ang estado ang dapat manatiling pinagmumulan ng pondo ng PNU at hindi mula sa mga proyektong nagpapasok ng hiwalay na kita. Lahat ng ito ay nakikita nila bilang banta sa kanilang kapakanan at sa mga susunod na henerasyon ng mga mag-aaral sa PNU. Ginamit din nila ang pagkakataon upang punahin ang kakulangan sa pangkalahatang suporta ng gobyerno sa sektor ng edukasyon.
Ito ay agad namang sinagot at binigyang-paliwanag ni Dr. Tuga. Ibinahagi niya na ang mga inilatag na agam-agam ng mga mag-aaral ay napag-usapan na sa mga nakaraang konsultasyon. Sa katunayan, naisama na sa pinakahuling bersyon ng panukala ang ilan sa kanilang mga nasabing kahilingan tulad ng pagkakaroon ng hiwalay na rehente ang mga mag-aaral sa undergraduate at sa graduate level. Tiniyak ni Dr. Tuga na hindi kailanman naging layunin ng panukalang batas ang pagsasapribado o pagpapalakas ng komersyalisasyon sa pamantasan. Ani ni Dr. Tuga, sa ilalim ng NUTE, wala pa ring babayarang matrikula ang mga mag-aaral sa undergraduate level at bagkus ay magkakaroon pa ng karagdagang suporta. Muling sinagot ni Dr. Tuga ang isyu tungkol sa national intake. Binigyang-kasiguruhan niya na ang sistemang ipatutupad para sa pagtanggap ng mga mag-aaral ay naglalayon lamang na mas mapalawak pa ang maaaring maabot ng de kalidad na edukasyon na ipinagmamalaki ng pamantasan at hindi para limitahan o pahirapan ang mga nagnanais na maging guro ng bayan. Patuloy pa ring susundin ang aprubadong patakaran at kahingian kaugnay ng admissions sa pamantasan. Gayunpaman, binigyang-diin ni Dr. Tuga na mananatiling bukas ang linya ng komunikasyon ng administrasyon ng PNU upang pakinggan at pagbigyan ang mga makatwiran at katanggap-tanggap na rekomendasyon mula sa mag-aaral.
Sa pagtatapos ng paunang deliberasyon, inatasan ng mga namumuno sa komite na pag-isahin ang dalawang bersyon ng panukalang batas—House Bill No. 9399 at House Bill No. 9403—na parehong nakasalang na sa Mababang Kapulungan. Ngunit, ibinigay din ng mayorya ang kanilang pag-apruba sa nasabing panukala sa kondisyong maisama ang mga napagkasunduang rekomendasyong nailahad sa nasabing pagdinig.
Kasama ni Dr. Tuga sa pagpupulong na ito ang dalawang miyembro ng Technical Working Group ng NUTE Bill, sina Vice President for Research, Extension, and Quality Assurance Dr. Teresita T. Rungduin at dating Vice President for Research, Planning, and Quality Assurance Dr. Adonis P. David.
Tinatayang marami pang pagdaraanan ang NUTE Bill sa mga susunod na pagdinig sa mababang kapulungan . Kasabay nito, ang bersyon ng panukalang batas ay nakasalang na rin sa Senado—ang Senate Bill No. 2125 at Senate Bill No. 2311. Inaasahan na patuloy na makahihikayat ng suporta ang nasabing panukala upang lalong mapagtibay ang pagsasabatas ng PNU bilang isang institusyong may mas malawak na impluwensya at mas makabuluhang ambag sa lipunan.


