
Matagumpay na idinaos ng Pamantasang Normal ng Pilipinas, ang Pambansang Sentro sa Edukasyong Pangguro, ang ika-118 Seremonya ng Pagtatapos noong nakaraang ika-14 ng Agosto 2026 sa Reception Hall ng Philippine International Convention Center (PICC). Nakasentro sa temang “Shaping Minds, Leading Futures,” higit sa 900 mag-aaral sa PNU Manila ang kinilala at opisyal na ginawaran ng kani-kanilang mga digri at sertipiko.
Opisyal na binuksan ang programa sa prosesyonal ng mga magsisipagtapos. Sinundan ito ng mga miyembro ng fakulti mula sa Fakulti ng Pangkalahatang Edukasyon at Pangkaranasang Pagkatuto (FGEEL), Fakulti ng Agham sa Edukasyon at Impormasyon (FEIS), Fakulti ng Pangkaasalan at Agham Panlipunan (FBeSS), Fakulti ng mga Wika at Literatura (FLL), Fakulti ng Agham, Teknolohiya, at Matematika (FSTEM), Linangan ng Edukasyon sa Malikhaing Ekspresyon at Galaw Pantao (ICEHME), Kolehiyo ng Alternatibo at Panghabambuhay na Pagkatuto (CALL), at Kolehiyo ng Nangungunang Pag-aaral (CAS).
Sinundan ito ng pagpasok ng mga pamunuan ng pamantasan sa pangunguna ng mga dekano at dekana, mga katuwang na dekano at dekana, direktor ng institusyon at mga tanggapan, mga pangalawang pangulo, at mga mahahalagang panauhin. Kasama namang nagmartsa ni Dr. Bert J. Tuga, Pangulo ng Pamantasan, ang panauhing pandangal at tagapagsalita para sa seremonyang ito na si G. Philip Francisco U. Dy, ang Presidente ng Metrobank Foundation, Inc.
Sa pagsisimula ng programa, nagpaabot ng pagbati si Dr. Marilyn U. Balagtas, Pangalawang Pangulo Pang-akademiko, sa lahat ng saksi sa mahalagang seremonyang ito, lalong-lalo na sa mga magsisipagtapos at sa kanilang mga pamilya. Sa kaniyang pambungad na pananalita, binigyang-diin ni Dr. Balagtas na ang esensya ng pagtatapos ay hindi lamang natutuldukan sa pagkamit ng diploma, kundi isang hudyat din ng pagsisimula ng mas malaki pang pananagutan—ang magturo at mamuno. Bagaman nahaharap ngayon sa iba’t ibang krisis ang sektor ng edukasyon, hinamon niya ang bawat magsisipagtapos na PNUan na harapin ang mga suliranin sa pamamagitan ng pagpapamalas ng kahusayan, katapangan, at paninindigan na lampas sa mga pansariling mithiin.
Bukod pa rito, iginiit din niya ang pangangailangan ng bansa sa mga mahuhusay na guro—isang hamon na marapat suungin ng bawat PNUan sa aspekto ng paglilingkod. Dahil dito, ang tema ng pagtatapos ay nagsilbing isang misyon upang gamitin ang kanilang mga tagumpay bilang katuwang sa pagtataguyod ng edukasyon para sa lipunan. Binuo niya ang kaniyang panawagan sa pamamagitan ng pag-iwan ng mahalagang katanungan upang pagnilayan at gawing gabay ng mga bagong henerasyon ng guro at lider sa edukasyon: “Ano ang kanilang sisimulan sa sarili nilang mga silid-aralan, paaralan, pananaliksik, at sa mga pamayanang kanilang paglilingkuran patungo sa isang makabuluhang bukas?” Layon ng tanong na ito na maging saligan ng adhikain ng mga guro tungo sa pagbuo ng mas makabuluhang bukas.
Matapos ang talumpati ni Dr. Balagtas, isinagawa ang presentasyon ng mga magsisipagtapos sa pangunguna ng Pampamantasang Tagatala, Dr. Rosario M. Belmi. Isinaad ni Dr. Belmi na ang mga ipinakilalang magsisipagtapos ay nakatugon sa lahat ng mga kinakailangan para sa kani-kanilang digri, at ang kandidatura para sa kanilang pagtatapos ay inaprubahan ng Konsehong Pang-akademiko at ng Lupon ng mga Rehente. Ipinakilala rin ng mga dekano, dekana, at direktor ng institusyon ang mga magsisipagtapos mula sa iba’t ibang kolehiyo at linangan. Pormal namang idineklara ni Pangulong Tuga ang pagtatapos ng mga mag-aaral at iginawad sa kanila ang mga kasamang karangalan at pagkilala.
Ipinakilala naman ni Dr. Teresita T. Rungduin, Pangalawang Pangulo para sa Pananaliksik, Ekstensyon, at Katiyakang Kalidad, ang Panauhing Pandangal at Tagapagsalita ng palatuntunan na si G. Philip Francisco U. Dy.
Sa kaniyang talumpati, nagbalik-tanaw si G. Dy sa sarili niyang mga karanasan bilang mag-aaral. Nagunita niyang hindi siya kabilang sa pinakamahuhusay na mag-aaral noong simula, at minsan na rin siyang naniwala na hindi niya maaabot ang mga matataas na pamantayang nakaatang sa kanya. Ngunit ang ipinunlang tiwala ng kanyang guro sa Ingles ay nagbunsod ng kanyang pagpupursigi at pagtitiwala sa sarili, na siyang nagpabago sa landas ng kanyang buhay. Ipinagtibay ng kaniyang karanasan ang linyang, “When we lower ourselves, our performance critically lowers with it.” Isang patunay na ang pagtitiwala sa sarili ay ekstensyon ng kapangyarihan ng mga guro na magbigay ng inspirasyon at baguhin ang buhay ng iba.
Binigyang-diin ni G. Dy ang makapangyarihang gampanin ng mga guro bilang tulay sa pagbabago ng buhay ng mga estudyante. Aniya, ang kumpiyansa ng mga guro ay may kakayahang maging puwersang magpapagalaw at magpapasigla rito. Kung kaya’t mahalagang gampanan ng bawat magiging guro ang tungkuling hubugin ang bawat isipan ng kanyang mga mag-aaral. Sa pamamagitan ng kanilang impluwensiya, mayroon silang kakayahang patibayin ang pananaw ng mga estudyante tungkol sa kanilang sarili, sa edukasyon, at sa kanilang kinabukasan bilang miyembro ng lipunan. Sa isang masalimuot at maingay na mundo, higit na mahalaga ang kakayahang magbigay ng inspirasyon at kumpiyansa sa kapwa bilang karugtong ng iyong sarili.
Sa pagtatapos ng kaniyang mensahe, hinikayat niya ang mga nagsipagtapos na maging bahagi ng pagbabagong kailangan ng bansa. Binigyang-paliwanag ni G. Dy na maaaring magsimula sa mga bagong guro ang pagtataguyod ng inklusibong edukasyon, at nasa kanilang mga kamay nakasalalay ang kakayahang makita ang potensyal ng bawat mag-aaral upang tunay na mapalakas ang kapangyarihan ng edukasyon. At gaya ng gurong minsang naniwala sa kanya, ipinaalala niya na ang bawat nagsipagtapos ay may kakayahan ding magpabago ng buhay ng iba.
Matapos ang isang madamdaming awitin ng PNU Chorale, tinawag nang isa-isa sa entablado ang mga nagsipagtapos at iginawad sa kanila ang kani-kanilang mga diploma at sertipiko.
Sa pagpapatuloy ng seremonya, nag-iwan naman ng mahalagang hamon ang Pangulo ng Pamantasan, Dr. Bert J. Tuga, sa mga nagsipagtapos. Ipinaalala niya na sa kabila ng mabilis na pag-unlad ng teknolohiya, kabilang na ang paggamit ng artificial intelligence, dapat ay manatiling makabuluhan ang gampanin ng mga guro sa paghubog ng pag-iisip at pagpapahalaga ng mga mag-aaral. Ikinintal ng pangulo sa isip ng mga nagsipagtapos na ang kahusayan ng isang guro ay hindi lamang nasusukat sa lalim ng kanyang kaalaman, kundi sa kanyang tatag ng pag-iisip at katatagan ng loob sa pagharap sa mga hamon ng makabagong siglo. Aniya, ang guro sa hinaharap ay hindi na lamang magsisilbing tagapagturo sa loob ng silid-aralan, kundi magiging pangunahing tagapaghubog din ng ugnayan ng tao sa kalikasan at sa lipunan.
“Mga guro ng PNU, isang bagay ang tiyak: ang guro ay mananatiling puso ng lipunan,” ani Dr. Tuga. Binigyang-diin niya na bilang mga PNUan, hinubog ang mga nagsipagtapos bilang mga matatag na guro na magdadala ng pagbabago, na kayang yakapin ang tangan na pananagutan sa kanilang kapwa at lipunan. Hinimok din niya ang mga nagsipagtapos na balikan at isabuhay ang pilosopiyang pang-edukasyon ng Pamantasang Normal ng Pilipinas na naging gabay ng institusyon sa mahigit isang siglo. Sa gitna ng pagbabago, mahalagang hindi mawala sa paningin ang pangunahing layunin ng pagiging isang guro. Sa panawagan para sa inklusyon, binigyang-diin din ang kahalagahan ng paggalang sa kapwa. Aniya, ang tunay na hamon ay ang paninindigan at paglaban para sa katarungan, nang may katatagan at lakas na hindi lumilihis sa katuwiran at katotohanan.
Bilang pagtugon sa hamon, ibinahagi ni Bb. Mary Grace Magbanua—ang mag-aaral na nagkamit ng pinakamataas na markang pang-akademiko at Valedictorian ng Batch Dagitab mula sa programang Batsilyer sa Edukasyong Pangkatawan at Pangkalusugan (BPHEd) sa ilalim ng Linangan ng Edukasyon sa Malikhaing Ekspresyon at Galaw Pantao (ICEHME)—ang kaniyang daang tinahak sa PNU bilang representasyon ng mga nagsipagtapos. Ikinuwento ni Bb. Magbanua ang danas ng kanilang pamilya at ang mga dagok na kaniyang hinarap bago marating ang araw ng pagtatapos. Bata pa lamang ay itinatak na niya sa kanyang isip ang mga katagang: “Mahirap man kami, magtatapos ako ng kolehiyo.” Dala ang dasal at pangarap, buong puso siyang nagpursige para sa sarili, sa pamilya, at sa kaniyang hangarin. Tinukoy rin ni Bb. Magbanua ang kaniyang karanasan bilang isang aplikante ng PNU na walang katiyakan sa pagtanggap, ngunit buo ang loob at matatag ang paninindigan sa pangarap na nais makamit. Inalala niya ang naging paglalakbay mula sa paghihintay at kawalang-katiyakan sa tuluyang pagtanggap ng pamantasan, hanggang sa pagkamit ng pinakamataas na karangalang pang-akademiko sa buong Batch 2026.
Binigyang-halaga rin niya ang mga ipinunlang mithiin ng kaniyang ina para sa kanya. “Ang pangarap mong hindi nakamit noon, ngayon ay naisakatuparan ko na,” ani Bb. Magbanua, bilang pagkilala sa mga sakripisyo ng kanyang pamilya na naging mahalagang bahagi sa pagkamit ng rurok ng tagumpay.
Para kay Bb. Magbanua, ang pagiging guro ay higit sa pagiging karaniwan lamang. Sa halip, hinikayat niya ang mga bagong guro na mangarap nang higit sa inaakala nilang limitasyon, lagpasan pa ang “normal”, at patuloy na paunlarin ang sarili upang maging handa sa kanilang tungkulin at pagsisilbi. Bilang mga nagtapos sa Pamantasang Normal ng Pilipinas, ipinaalala niya na hindi lamang sila ‘basta normal lang’—kung kaya’t nararapat lamang na maging iba ang kanilang paraan ng pag-iisip, pagtingin sa mga problema, at paglilingkod. Iginiit niya na ang katangiang ito ay hindi usapin ng lamang o kahigitan sa iba, kundi ng mabigat at dakilang pananagutang nakapataw na sa kanilang mga balikat bilang mga susunod na tagapagturo ng hinaharap.
Pinangunahan ang panunumpa ng mga nagsipagtapos bilang mga bagong miyembro ng PNU Alumni Association ni Alumni Regent Atty. Lutgardo B. Barbo, sa pamamagitan ng kanyang kinatawan na si Dr. Diony V. Varela, Senior Board Member ng PNUAA Inc.
Sa pagtatapos ng seremonya, nanatiling sentro ang mensahe ng paghubog ng isipan, paggabay sa kinabukasan, at paglilingkod sa bayan. Sa pagharap ng mga nagsipagtapos sa kanilang susunod na yugto, dala nila hindi lamang ang kanilang mga diploma, kundi ang pananagutang gamitin ang kanilang kaalaman at impluwensiya para sa edukasyon ng bayan.
Bago pa man sumapit ang araw ng pagtatapos, matagumpay ding idinaos ang ilang mga kaugnay na gawain. Noong ika-11 ng Agosto 2026, isinagawa ang Gawad Parangal kasabay ng Hooding Ceremony. Sa nasabing programa, ginawaran ng mga pang-akademiko at ko-kurikular na pagkilala ang mga piling mag-aaral, habang natanggap naman ng mga magsisipagtapos sa antas gradwado ang kanilang mga hood.
Sa nasabing pagtitipon, naging panauhing pandangal at tagapagsalita ang dalawang natatanging alumni ng PNU: si Dr. Excelsa C. Tongson, Professor VII ng University of the Philippines Diliman, ang nagbigay ng talumpati sa pang-umagang bahagi, samantalang si Kgg. Ricmar P. Aquino, Komisyoner ng Commission on Higher Education, ang naging panauhin sa ikalawang bahagi ng programa.
Pagdating ng ika-13 ng Agosto 2026, sa kabila ng pagsususpinde ng trabaho sa pamahalaan, itinuloy pa rin ang Programang Baccalaureate kung saan nagsilbing Panauhing Tagapagsalita si Fr. Bernardo R. Collera, SVD, RGC, ang School Director ng Saint Jude Catholic School.
Maalab na pagbati sa tagumpay ng mga nagsipagtapos ngayong taon! Paningasin pa at panatilihing nagliliyab ang apoy ng kahusayan ng Pamantasan, at dalhin ito sa bawat bayang nangangailangan ng higit pang liwanag upang magsilbing tanglaw at gabay.
Ang balitang ito ay isinulat nina Michelle Ann N. Basas, Robbie Grace M. Mina, at Chelsea Mae Raña ng PNU Manila Creative Team


