Sa kalalabas pa lamang na resulta ng isinagawang 2024 Agency Performance Review ng Department of Budget and Management (DBM), nakamit ng Pamantasang Normal ng Pilipinas ang halos perpektong grado na 4.90, na katumbas ng markang Very Satisfactory. Kinilala sa ulat ang iba’t ibang makabuluhang gawain at programa ng PNU na matiwasay at masinop na naisakatuparan sa nakaraang taon. Ang mga ito rin ang nagsilbing repleksiyon ng mahusay na pagganap at pamamahala sa nakalaang badyet para sa pamantasan.

Kinilatis ng nasabing pagsusuri, na tinawag ding Budget ng Bayan Monitor, ang pinansyal at pisikal na pagganap gayundin ang pagkamapanahon at kalidad ng pagsusumite ng mga ulat ng 308 institusyon ng gobyerno, kasama ang mga State Universities and Colleges (SUCs). Ginamit din bilang pamantayan ng pagmamarka ang pagtutugma ng mga natapos na programa at ng naitakdang layon ng mga institusyon.

Kabilang ang PNU sa 95% ng mga ahensya ng gobyerno na nakakuha ng mataas na marka—Satisfactory, Very Satisfactory, at Outstanding. Sa National Capital Region, ang PNU ang nakakuha ng pinakamataas na marka sa hanay ng mga SUCs, sinundan ng Polytechnic University of the Philippines na may gradong 4.70 at ng University of the Philippines System na may 4.35.

Inilahad sa ulat na ang PNU, na nabigyan ng Php 992 milyon na kabuuang badyet noong 2024, ay nagkamit ng overall obligation rate na 96.0% at disbursement rate na 97.9%. Bagaman mataas, binigyang-diin din ng DBM ang ilang kadahilanan na naging sanhi ng mga hindi naobligang alokasyon at hindi pa nailabas na pondo. Itinuring namang kahanga-hanga ang naging income performance ng pamantasan na umabot sa 147%. Ito ay dahil sa mga pondong inilagak ng mga katuwang na ahensya ng gobyerno upang maisakatuparan ang maraming proyekto kasama ang PNU.

Ilan sa mga nabanggit na proyekto sa ulat ay ang pagbuo ng MATATAG Curriculum, PNU-DOST National Consortium in Graduate Science and Mathematics Education, Procurement of Services for the Quality Assurance of Textbooks and Teachers’ Manuals, at ang Research Initiative in Teacher Education. Naisakatuparan at nahigitan din ng PNU ang mga itinakda nitong annual performance targets na nagpatibay sa pisikal nitong pagganap.

Ang ulat na ito ay isa lamang sa maraming pagpapatunay ng dedikasyon ng PNU bilang Pambansang Sentro ng Edukasyong Pangguro sa maayos at bukas na pamamahala.