Hindi napigilan ng tuloy-tuloy na pag-ulan ang matagumpay na pagsasagawa ng taunang Pagdiriwang ng Sulo at Pagpupugay sa Kahusayan 2025 kahapon, ika-14 ng Agosto 2025 sa kwadranggel ng PNU Manila. Ngayong taon, ang padiriwang ng Sulo o tanyag din sa tawag na Torch Ceremony ay may kaakibat na temang “Hinubog ng Kahusayan: Ang Panibagong Landas ng PNU sa Edukasyong Pangguro”. Bukod sa tradisyunal na seremonya, ginawaran rin ng pagkilala ang mga natatanging indibidwal, kampus, kolehiyo, at linangan para sa kahusayang ipinamalas sa iba’t-ibang pagsusulit o licensure examinations. Ang nasabing gawain ay dinaluhan ng mga opisyal ng pamantasan, mga magsisipagtapos sa ika-apat na taon, mag-aaral sa ikatlong taon, kanilang mga magulang, mga pararangalang topnotchers, at mga piling panauhin.

Ang Pagdiriwang ng Sulo ay isang natatanging seremonya sa PNU. Isinasagawa rito ang simbolikong pagpapasa ng mga nasa ika-apat na taon sa kanilang nakababatang kapatid sa ikatlong taon ng mga responsibilidad ng pagpapatuloy ng kultura ng kahusyan sa pamantasan.

Naantala man ang orihinal na oras ng pagsisimula ng palatuntunan dahil sa walang humpay na ulan at hindi man nabuo ang tradisyunal na pormasyon ng mga mag-aaral, ay matiwasay pa rin na naisagawa ang mga mahahalagang bahagi ng tradisyunal na programa ng Pagdiriwang ng Sulo. Habang nakasilong sa Main Building at karatig gusali, pinakinggan at nakilahok ang mga mag-aaral sa seremonya, mula sa pahayag ng mga personalidad gaya ni Inang Pilipinas, na ginampanan ni Arriane Jhane B. Talana, Juan Dela Cruz, sa katauhan ni Ricky E. Reantaso, Inang Pamantasan, na ginamapan ni Marie Nicaella A. Bugayong, Lakan at Lakambini, na binigyang buhay nina John Steven B. Cantado at Jzasca D. Corlet, Inang Kalikasan, na ginampanan ni Julia Carmela F. Lingad, at Bahaghari, na binigyang buhay ni Christian Noe D. Bongalbal.

Matapos ng pahayag ng mga personalidad, ay isinagawa ang pagpaparangal sa mga mahuhusay na anak ng Pamantasan na nanguna sa iba’t-ibang licensure examinations. Ngayong taon, anim na PNUan topnotchers ng Guidance Counselor Licensure Examination, apat na PNUan topnotchers ng Librarian Licensure Examination, at 18 PNUan topnotchers ng Licensure Examination for Professional Teachers, ang kinilala. Bukod sa sertipiko ng pagkilala at Tropeyong HUSAY, ay nakatanggap din ng gantimpalang salapi ang mga kinilalang indibidwal. Ito ay sa bisa ng iba’t-ibang resolusyong pinagtibay ng Lupon ng mga Rehente bilang pagpupugay sa kahusayang ipinakita ng mga nanguna sa iba’t-ibang pagsusulit. Umabot ng Php 860,000 ang naging kabuuhang halaga ng gantimpala ang naibigay sa mga natatanging supling ni Inang Pamantasan bilang pagsaludo sa kanilang tagumpay.

Ang saglit na pagtigil ng ulan ay naging oportunidad para sa mga mag-aaral na pumagitna sa kwadranggel ng Pamantasan at ituloy ang taimtim na seremonya. Sa puntong ito rin ay naisagawa ang makasaysayang pagpapasa ng sulo at ang pag-awit ng “Ang Nagdaang Araw”, na sumisimbolo sa tagumpay, pananagutan, at pagpapatuloy ng kadakilaan ng Pamantasan.