
Bilang isang makabuluhang pagdiriwang ng kahusayan, ang pamayanan ng PNU Timog Luzon sa Lopez, Quezon ay isinagawa ang ika-30 Seremonya ng Pagtatapos kahapon, ika-12 ng Agosto 2025. 144 na mag-aaral sa antas di-gradwado ang ginawaran ng kanilang mga digri. Sa bilang na ito, 53 ang nagkamit ng karangalang Cum laude, 49 naman ang nagkamit ng Magna Cum Laude, at isa ang nakakuha ng karangalang Summa Cum laude.
Ang espesyal na pagdiriwang ay lalo pang naging makabuluhan dahil sa pagdalo ng mga opisyal ng pamantasan na pinangunahan ni Dr. Bert J. Tuga, Pangulo ng Pamantasang Normal ng Pilipinas, kasama ang Pangalawang Pangulong Pang-akademiko Dr. Marilyn U. Balagtas. Kinatawan naman ni Faculty Regent Atty. Donna B. Remigio ang mga miyembro ng Lupon ng mga Rehente ng pamantasan.
Nagsilbing panauhing pandangal at susing tagapagsalita si Dr. Rogelio T. Galera, CESO III, ang Direktor ng Regional Office ng Komisyon sa Lalong Mataas na Edukasyon (Commission on Higher Education o CHED) sa CALABARZON. Ang kanyang talumpati ay ibinahagi ni Dr. Corazon M. Flores, OIC- Chief Education Program Specialist ng nasabing panrehiyong tanggapan. Sa nasabing talumpati, binigyang-diin ni Dr. Galera na bagamat may nararamdamang takot at kakulangan ng kahandaan, kinakailangan harapin ng mga nagsipagtapos ang mga hamon nang bukas dahil ito ang kanilang magiging daan upang umunlad at at magtagumpay. Dahil dito, hinikayat niya ang mga nagsipagtapos sa PNU Timog Luzon na matapang na yakapin ang bagong kabanata ng kanilang buhay.
Sa kanyang hamon, pinaalala ni Pangulong Tuga na hindi lamang kaalaman ang karunungan, bagkus ito ay “kakayahang makita ang mahalaga, damhin ang tunay na pangangailangan ng mag-aaral, at tanggapin na may mga bagay pang kailangang matutuhan”. Bilang tugon sa hamon, isinaad ni Bb. Hierreanne Dimple S. Roldan, Summa Cum Laude at Class 2025 Valedictorian, na bilang mga guro ng hinaharap, hindi magiging pipi o bulag ang mga nagsipagtapos sa mga laganap na suliranin sa lipunan lalo na sa sektor ng edukasyon.
Ang PNU Timog Luzon ay kilala bilang Technology and Livelihood Education Hub at pinamumunuan ng kanilang Ehekutibong Direktor at Provost, Dr. Leah Amor S. Cortez.


