
Idinaos ng Pamantasang Normal ng Pilipinas – Hilagang Luzon ang ika-49 nitong Seremonya ng Pagtatapos noong nakaraang Sabado, ika-2 ng Agosto, 2025 sa Pampamantasang Gymnasium. Sa nasabing programa ay pormal na iginawad sa 235 na nagsipagtapos sa antas di-gradwado ang kani-kanilang mga digri, kung saan 105 ang cum laude at 54 ang magna cum laude. Sa unang pagkakataon, iginawad din sa lahat ng mga nagsipagtapos sa antas di-gradwado ang Sertipiko sa Pagtuturo sa Pangkatutubong Edukasyong Pangguro. Binigyang pagkilala rin ang labing dalawang (12) indibidwal na nakapagtapos ng programang Diploma sa Pagtuturo sa Pangkatutubong Edukasyong Pangguro. Samantala, 15 rin ang nakapagtapos sa antas gradwado.
Dumalo sa seremonya ang Pangulo ng Pamantasan na si Dr. Bert J. Tuga kasama ang Pangalawang Pangulo para sa Pananalapi at Pamamahala, Dr. Lordinio A. Vergara. Nandoon rin ang piling miyembro ng Lupon ng mga Rehente na sila Student Regent Janre V. Lachica at Faculty Regent Atty. Donna B. Remigio. Kasama rin sa mga panauhin ang Education Supervisor ng CHED Region Office 2 Dr. Jee A. Evangelista Liban, at and Pangulo ng PNU NL Alumni Association, Dr. Garry G. Galutera.
Ngayon taon, nagsilbing panauhing pandangal at susing tagapagsalita para sa Seremonya ng Pagtatapos ang Komisyoner ng Komisyon sa Lalong Mataas na Edukasyon at ang itinalagang tagapangulo ng Lupon ng mga Rehente ng PNU, Dr. Ethel Agnes P. Valenzuela. Sa kanyang mensahe, ibinahagi Komisyoner Valenzuela ang kanyang sariling paglalakbay bilang isang PNUan at bilang isang guro na sumabak sa hamon ng propesyon ng pagtuturo. Matapos ay hinimok niya ang mga nagsipagtapos na harapin ang kanilang sariling paglalakbay habang tangan ang panawagan para sa magandang pamumuno na may integridad, malasakit, at pagmamahal sa bayan.
Ibinigay ni Pangulong Tuga ang kanyang hamon sa mga nagsipagtapos na sumentro sa paglubog sa mga paaralan sa bansa upang magturo at magbahagi ng kaalaman. Ito naman ay binigyang tugon ni G. Kenneth Jay A. Iquin, Magna Cum Laude at Class Valedictorian. Aniya, kailangang sabay-sabay bumoses upang marinig ang mga hinaing tungkol sa kasalukuyang estado ng edukasyon.
Ang PNU Hilagang Luzon ay ang tinaguriang Indigenous Peoples Education Hub ng PNU. Ang kampus ay pinamumunuan ng kanilang Ehekutibong Direktor at Provost, Dr. Agnes S. Reyes.


