
Ipinagdiwang ng komunidad ng PNU Visayas ang maluwalhating pagtatapos ng 279 na mag-aaral sa naganap na ika-52 Seremonya ng Pagtatapos na idinaos kahapon, ika-5 ng Agosto 2025, sa Cadiz City Arena, Lungsod ng Cadiz, Negros Occidental. Ang Seremonya ng Pagtatapos ay may temang “Hinubog na Kahusayan: Ang Panibagong Landas ng PNU sa Edukasyong Pangguro”. Sa bilang na ito, 254 ang mula sa antas di-gradwado at 25 naman ang mula sa programang post baccalaureate na Diploma in Environment and Green Technology Education. Mula sa bilang ng mga nagtapos sa antas di-gradwado, 161 ang nagkamit ng karangalang Magna Cum Laude at 71 naman ang Cum Laude.
Dumalo sa nasabing pagdiriwang ang ilang matataas na opisyal ng pamantasan na pinangunahan ni Dr. Bert J. Tuga, Pangulo ng Pamantasang Normal ng Pilipinas, kasama si Dr. Denmark L. Yonson,
Pangalawang Pangulo para sa Tagumpay ng Mag-aaral at Serbisyong Pampamantasan. Dumalo rin si G. Antonio B. Sabedoria, ang Pangulo ng PNU Visayas Alumni Association.
Nagsilbing panauhing pandangal at susing tagapagsalita ng programa si Dr. Jennie V. Jocson, ang Ehekutibong Direktor V ng Teacher Education Council Secretariat. Uminog ang talumpati ni Dr. Jocson sa pagpapakahulugan ng salitang “hinubog”. Aniya, ang salitang ito ang nagsisilbing buod ng paglalakbay ng bawat PNUan. “You are not made overnight, but shaped and refined through truth, excellence, and service. If you light the fire, be part of the fire!”, dagdag pa ni Dr. Jocson sa kanyang mensahe para sa mga nagsipagtapos at kanilang mga mahal sa buhay.
Ibinigay naman ni Dr. Tuga ang hamon sa mga nagsipagtapos. Hinikayat ng Pangulo ng Pamantasan ang mga nagsipagtapos na laging alalahanin ang kanilang “why” o kanilang dahilan sa pagsusumikap. Ang hamong ito ay binigyang-tugon ni G. Joshua A. Ham, ang valedictorian ng Batch 2025 ng PNU Visayas. Binigyang-diin ni G. Ham na ang propesyon ng pagtuturo ay hindi nagtatapos sa klase bagkus ay nagiging panghabang buhay na diwa ng bawat guro. Kanyang hinikayat ang mga kapwa niya nagtapos na magpatuloy lang at huwag sumuko. Dagdag pa niya, “Kahit gaano kahirap, padayon! Kahit gaano kapagod at kasakit, padayon!”.
Itinalaga bilang Environmental and Green Technology Education Hub, ang PNU Visayas na pinamumumuan ng kanilang Ehekutibong Direktor at Provost, Dr. Ralger D. Jocson, Jr.


