Nararamdam ko ang nadarama ninyo ngayon. Tatlumpu’t limang taon na ang nakararaan diyan din sa upuan na inyong kinaluluklukan - walang mapagsidlan ang aking kagalakan, waring may pag-aalinlangan ngunit nananatili ang aking pagtitiwala sa sarili.
Karapat-dapat lamang na maging maligaya kayo ngayon. Pagkaraan ng apat na taon ay napaglabanan ninyo ang tawag ng katamaran at kamangmangan. Napatunayan ninyo sa inyong mga sarili na kapantay ng mga hinarap ninyong hamon ng ating pamantasan at ng mga tagapaghatid ng inyong karunungan ay nakaligtas kayo sa malulungkot na pamumuhay at pangyayaring nagaganap sa mundo.
Alam ko rin naman na waring kayo’y may pag-aalinlangan. Pinag-aalinlanganan ninyo ang ilang natutuklasang mga bagay na hindi ninyo kilala. Pinag-aalinlanganan din ninyo ang maaaring maganap sa inyong buhay sa darating na panahon. Pakatandaan ninyong kayo ang gagawa ng mga bagay-bagay na inyong napasimulang gawin dahil walang magbibigay sa inyo na formula o wala kayong mapapagkukunan ng solusyon. Responsable na kayo ngayon sa kapalarang naghihintay sa inyo, magtagumpay man kayo o mabigo sa daigdig na inyong tatahakin.
Magkagayunman, dapat ding magkaroon kayo ng pagtitiwala sa inyong mga sarili dahil ipinagkaloob sa inyo ng PNU ang pinakamabuting maibibigay sa inyo, natutuhan ninyo ang karunungang dapat ninyong matutuhan. Inihanda kayo ng PNU na maging handa na harapin ang mga hamon sa propesyong inyong napili.
Dahil kayo’y kabilang sa mga nagsipagtapos sa PNU, umaasa kami na may ibabalik kayo sa Pamantasan. Ang bawat isa sa inyo ay dapat panatilihing nagliliyab ang sulo ng karunungan. Inaasahan kayo ng inyong mga magulang at guro na mapanatili ang mga ideolohiya ng Pamantasan. Dahil walang ibang pinakamabuting paraan kayong magagawa kundi ang gumawa hindi lamang para sa inyong pamilya kundi para din sa bayan. Nakikita kong ang bawat isa sa inyo ay handa nang maunawaan at maisakatuparan ang papel na inyong gagampanan sa pagbuo at pagpapaunlad ng ating bansa.
Kayo ngayon ay may tatak PNU. Paano ninyo aalalahanin ang Pamantasang inyong pinagtapusan? Ang tatak PNU ay inyong maipapadama kung kayo’y magiging mahusay na guro, sa pamamagitan ng pagpapakita ng halimbawa, sa pagiging inspirasyon ng kabataan lalo na sa magiging guro sa hinaharap. Marami sa inyo ang nag-aral sa PNU dahil naging inspirasyon ninyo ang inyong mga guro na nagsipagtapos dito sa pamantasan. Ngayon naman ay nasa inyo na ang pagkakataon na maipagpatuloy ang napasimulang siklo. Itaas ang sulo ng karunungan at ipasa sa lahat!
Commencement Speech English version

